Ilang buwan na ang nakakaraan nang maabot ko ang aking mga pangarap. Mababakas sa mga mata nina ama at ina ang labis na kaligayahan habang pinagmamasdan nila ang aming bagong tahanan. Mula sa pagiging barung-barong, naging matatag ang haligi nito, at ang ilaw ang siyang nagbigay liwanag para masilayan ang mga bagong kasangkapan.
Nagsimula ako bilang isang kargador sa isang bigasan sa bayan. Sa bawat pawis na kumakatas sa aking katawan ay katumbas ng pisong ikinukubli ko sa lumang alkansya. Umaasang mapupuno iyon at makakabili ng isang sakong palay. Hindi ako nabigo, sa pagkakabiyak ng kawayan ay isang sakong palay ang katumbas niyon hanggang ang palay ay naging bigas, at ang bigas ay lumago hanggang sa mapuno nito ang maliit na barung-barong.
Napuno ng ligaya ang puso ko habang nasisilayan ang matamis na ngiti ni ina, katulad ng mga ngiti ko noong ako ay musmos pa lamang. Sa tuwing sinasalubungan niya ako ng isang matamis na tinapay. Ang sabi ni ina, kahit ilang sakong labada tatanggapin niya, matikman ko lang ang masarap na tinapay.
Lumipad ang paningin ko sa kulubot na mukha ni ama, ang kanyang tatlong paa ay nahihirapang mag-lakbay sa sementadong sahig. Sa bawat hakbang, tungkod ay kaagapay. Lumapit ako sa kanya, at ako ang nagsilbing tungkod, katulad sa pag-alalay niya sa akin nung ako ay bata pa lamang.
Mababakas sa kanilang mga mukha ang labis na kaligayahan habang pinagmamasdan ang mga masasarap na putaheng aking inihain. Aming nilasap ang mga bagong putaheng bago sa aming panlasa, katulad nang pagtikim sa bagong buhay na aming nilalasap. Subalit, katulad ng pagkaing aking inihanda, may hangganan kung hanggang kailan ito sariwa.
Biernes ng gabi. Kasabay ng pagdagundong ng kulog ang pagkabog ng aking dibdib. Isang delubyo ang lumusob sa aming bayan. Isang bagyo na ang hatid ay panganib sa mga residenteng ang tanging hangad ay maka-ahon sa hirap ng buhay.
Malupit ang bagyo, lahat ng residente ay kanyang binulabog. Lahat ay sinira ng hanging kanyang taglay, at ang tubig baha ay tila magnanakaw na sa isang iglap hinakot ang mga kasangkapang ipinundar. Walang itinira, kahit ang nabiyak na alkansya ay kanyang itinangay.
Ang bubungan na dati'y aming silungan, ngayon ay aming tinatapakan. Naghihintay ng awa sa mga taong sasaklolo. Subalit, sa kabila ng lahat sa Diyos kami ay nanalig. Si ama at ina, magkayakap na nananawagan sa Poong Maykapal, na sana'y anak nila ay makaligtas sa panganib.
Mula sa di-kalayuan, aking natanaw ang isang batang lalaki. Palutang-lutang sa gulong na kinakapitan. Ako'y nahabag sa batang paslit, at aking pansamantalang iniwan ang magulang na nananawagan sa Poong Maykapal.
Ako ay lumusong sa mapanganib na baha. Ang dumi ay aking kinalimutan mailigtas lang ang bata sa panganib. At sa muling pagdagundong ng kulog, ang ulan ay lalong nagalit. Ang alon na kanyang hatid ay ubod lakas na humampas sa matipuno kong katawan. Ako'y napakapit sa salbabida ng batang paslit, subalit, nasaan na ang batang paslit? Ako'y napalingon sa kinaroroonan nina ama at ina, ako'y natigilan. Bakit hindi ko na sila natatanaw? at ako'y nabigla sa bilis ng pangyayari, na ang bayang sinilangan ay nagmistulang lawa, na tila nabura na sa mapa ng maynila.
Ngayon, kasing lagkit ng putik ang mga luhang bumabalot sa aking pisngi, katulad ng mga putik na bumabalot sa malamig na bangkay nina ama at ina. At kasabay ng pagtulo ang aking mga luha ang paglaho ng aking mga pangarap. Ang pangarap na kay tagal hinangad, bakit nang makamtam, kay bilis naglaho?
*********
Lumipas ang mga araw. Natagpuan ko ang aking sarili na naglalakbay sa maputik na lansangan. Binalot nito ang mga paang walang tiyak na patutunguhan. Sa aking isipan, aking naitanong... Paano ako magsisimula kung wala na ang mga taong naging dahilan ng aking pagsisikap? Bakit kailangang magbuwis ng buhay sina ama at ina?
Sa aking likuran, ako'y napalingon. Aking natanaw ang batang paslit. Siya ay yumakap sa marumi kong katawan. Ako'y napangiti nang aking matuklasan. Ang batang tinangay ng baha ay ligtas na sa panganib. Ang salbabidang kanyang ibinahagi ang siyang nagligtas sa akin. Salamat sa Poong Maykapal!
Ako'y napaluha nang magtama ang aming paningin. Ang mata'y nangungusap na sana'y siya ay aking kupkupin. Ang sabi niya, Kuya, ‘wag mo akong pababayaan ha? At aking niyakap ang manipis niyang katawan.
Sa paglipas ng araw, kalungkutan ay nanaig sa aking pagkatao. Ang pagkawala ng mga ari-ariang kay tagal ipinundar ay aking dinibdib. Ako'y niyakap ng batang paslit. At ang sabi niya, Hindi pa huli ang lahat.
Siya ay kumawala sa aking bisig, at kanyang itinuro ang salbabidang nasa di-kalayuan. Ang salbabidang nagligtas sa akin sa pagtaas ng tubig baha. At muling binalot ng katanungan ang aking isipan. Paano siya nakaligtas nang wala ang salbabida? Sa aking paglingon ang bata ay tumakbo, tila isang ibong malayang lumilipad.
Sa aking paglalakad patungo sa salbabida, aking natanaw ang isang bangkay ng isang nilalang. Ako'y kinilabutan nang aking makilala ang marumi nitong kasuotan, at sa aking pagtingala, aking natanaw ang batang paslit. Kumakaway siya sa akin, at sa isang iglap tila buhanging itinangay ng hangin. Salamat kina ama at ina, sa anghel na kanilang ipinadala. At doon ko natuklasan na si Haring Araw ay sumikat na pala.
Babangon ako! Hindi pa huli ang lahat... babangon ako, at muling haharapin ang hamon ng buhay.
Ano ang pamagat ng kwento?
- Alkansya
- Palay
- Salbabida
I-koment na ang inyong mga kasagutan..... malay n'yo tama ang inyong sagot..






Google
Facebook
Twitter
Myspace
Linkedin
Yahoo
Digg
Del.icoi.us
Windows Live
Furl
Blogger
Technorati
Comments
RSS feed for comments to this post.