Whiz Factory

  • Increase font size
  • Default font size
  • Decrease font size
Home Literary Pieces Short Stories PARE, Walang Iwanan!

PARE, Walang Iwanan!

E-mail Print PDF

"WALANG IWANAN," mga katagang kadalasang binibigkas ng mga magkakaibigan. Isang sumpaan na maaaring tumatak sa isipan ng bawat isa.

Sina Jonat at Jolas ay matalik na magkaibigan mula pa noong kabataan nila. Nakatira sila sa isang bayan ng Iloilo ang bayan ng Pototan, isang bayan na itinuring nilang saksi sa lahat ng kanilang pinagdaanan.

Si Jonat ay nakakatanda lamang ng isang buwan kay Jolas. Maputi at makinis ang balat nito na bumagay sa makisig nitong pangangatawan dahilan para maging habulin ng mga babae.

Si Jolas naman ay kabaligtaran ni Jonat. Kayumanggi ang kulay nito na halatang sanay sa ilalim ng araw. May kapayatan si Jolas ganun paman ay hindi pa rin maitatago ang kagwapuhan nito. Matangos ang ilong at maganda ang pungay ng mata.

"Pare, pataba ka naman!" patawang sabi ni Jonat sa kaibigan sabay akbay dito.

"Kahit payatot ako mas pogi pa rin ako sayo," patawang sagot ni Jonas. Natahimik lamang si Jonat sa sinabi ng kaibigan. Alam niya na nagsasabi ng totoo ang kaibigan.

Napatigil sila sa kanilang paglalakad nang makasalubong nila ang isang maganda at nakakaakit na babae. Nakapalda ito na bulaklakin at paminsan-minsan ay nililipad ng hangin. Ang damit nito ay hapit sa kanyang katawan dahilan para lumutang ang lusog ng dibdib. Ang buhok naman ay sadyang nililipad ng hangin.

"Wow! ‘tol tingnan mo ang ganda," pananabik na sabi ni Jonat sa kaibigan. Sa tagal nang pagsasama nila alam ni Jolas na sadyang babaero ang kaibigan.

"Pare, nakakita ka na naman ng lolokohin mo," pabirong sabi ni Jolas sa kaibigan.

Ang totoo ay nakaramdam nang kakaiba sa dibdib si Jolas. Humanga siya sa ganda ng babae lalo pa't dumaan ito sa kanilang harapan.

"Uy, mukhang natameme ka diyan? Siguro in love na ‘tong kaibigan ko?" Panunukso ni Jonat sa kaibigan. Ang totoo alam ni Jonat na pihikan sa babae ang kaibigan. Nakailang nobya  na siya samantalang ang kaibigan ay wala pa.

Pinagmasdan ni Jolas ang babae habang nakaupo ito sa mesa. Lihim na sinusulyapan at ito ay agad namang napansin ng kaibigan.

"Wow! Pare may tama ka? Sa wakas tumibok na ‘yang puso mo." Malakas na bulas ni Jonat.

Hinila ni Jonat ang kaibigan pabalik ng kainan. Doon sila pumuwesto malapit sa kinauupuan ng babae at agad na nagpakilala si Jonat sa dalaga at isang matamis na ngiti ang iginanti nito.

"Ako si Marian, alam mo napansin ko panay ang tingin mo sa akin kanina? May problema ba?"

"Wala naman, Ako pala si Jonat at ito ang kaibigan ko si Jolas." Masayang pagpapakilala ni Jonat sa babae.

Kinamayan ni Jolas ang babae pero ang mga mata nito ay nakatingin kay Jonat. Napansin ito ni Jolas at hindi na lamang ito kumibo. Sanay na siya na hindi napapansin. Sanay na siya na ang mga babaeng natitipuhan niya ay nagkakagusto kay Jonat.

Masayang nagkwentuhan sina Jonat at Marian samantalang lihim na  nakikinig si Jolas sa paguusap ng dalawa. Lihim na nasasaktan. Lihim na nagpaparaya.

"Pare, okay ka lang ba diyan?" tanong ni Jonat sa tahimik na si Jolas. Napansin kasi nito ang katahimikan ng kaibigan.

Masayang nagpaalam si Marian sa dalawang binata. Mababakas sa mukha ni Jonat ang lubos na kaligayahan.

"Pare, parang mahal ko na siya?" seryosong sabi ni Jonat.

Walang kibo si Jolas habang naglalakad na silang pauwi.  Gusto niyang sapakin ang kaibigan pero hindi niya magawa.

Lumipas ang mga araw ay nagtagumpay si Jonat na makuha ang matamis na Oo mula kay Marian.  Lubos ang kaligayahan nito samantalang ang kaibigang si Jolas ay nasasaktan.

"Hindi ka ba natutuwa na sinagot na ako ni Marian, natutuwa ka ba?" seryosong tanong ni Jonat sa kaibigan habang nagpapahinga sila sa tabig-ilog. Tumayo si Jolas at nagkibit balikat lamang ito.

"Mahal mo nga siya?" lumapit si Jonat sa kaibigan at inakbayan niya ito.

"Pare, alam mo ba na mahal na mahal ako ni Marian, pakiramdam ko siya na ang babaeng seseryosohin ko." Napatingin si Jolas sa kaibigan. Ayaw niyang paniwalan na nag sesereyoso na ito sa pag-ibig.

"Pare, kung talagang mahal mo si Marian ay masaya na ako. Alam kong Mahal ka niya." Tanging nasabi ni Jolas sa kaibigan.

"Huwag sana sasama loob mo. Alam naman nating dalawa na ako ang gusto ni Marian." sa sinabi ni Jonat ay natahimik uli si Jolas.

"Pare!" sambit ni Jonat at inakbayan uli ang kaibigan.

"Sana ‘wag mong isipin na binabalewala ko ang pinag samahan natin. Mahal ako ni Marian at Mahal ko rin siya." Sabi ni Jonat.

"Pare, okay lang ‘yun, alam mo sanay na ako. Diba, walang iwanan kahit ano pang mangyari?" sa sinabi ni Jolas ay naging panatag ang loob ni Jonat.

Lumipas ang mga araw ay naging masaya ang relasyon nina Jonat at Marian. Saksi si Jolas sa kasayahan ng kaibigan. Nakita niya kung paano mahalin ni Marian ang kaibigan. Aaminin niya sa kanyang sarili na may kirot sa kanyang dibdib habang nakikita ang dalawang nagmamahalan.

"Jolas, alam mo sabi ni Jonat napaka bait mo raw at tapat kang magmahal." Nagulat si Jolas sa sinabi ni Marian habang nagkasalubong sila sa daan.

"Ha? Ah eh, oo naman," tanging naisagot ni Jolas.

"Alam mo natutuwa ako sayo kasi mabait ka. Pinag-uusapan ka nga namin lagi."

"Ha? Pinag-uusapan ninyo ako ni Jonat? Loko talaga ‘yun!" patawang sabi ni Jolas.

"Puro nga ikaw ang kwento niya, sabi pa nga niya sa akin mas mabait ka kaysa sa kanya." Napangiti na lamang si Jolas sa narinig. Ang totoo hindi siya makapaniwala na naikwekwento siya nito sa katipan kahit pa batid nito ang lihim niyang pag-ibig sa dalaga.

Ilang buwan ang lumipas ay nanatili ang relasyon nina Jonat at Marian at ang dating magandang samahan ay nauwi sa magulong relasyon. Natuklasan ni Marian na hindi pa lubusang nagbabago si Jonat. Natuklasan niyang may ibang babae ito bukod sa kanya.

Sa sakit na naramdaman ni Marian ay si Jolas ang kanyang karamay. Ang lalaki ang sandalan niya sa lahat ng sakit na nararamdaman niya.

"Kung nasasaktan ka handa ‘kong makinig sa mga kwento mo, kahit pa sabihin mong mahal mo pa siya handa akong makinig kahit nasasaktan pa ako."

Napatingin si Marian kay Jolas. Tama ang binata kahit nasasaktan siya sa ginagawa ni Jonat ay mahal pa rin niya ang katipan.

Patuloy pa rin ang magulong relasyon ng mag-katipan. Si Jolas ang siyang nagpapagaan ng loob ng dalaga sa tuwing nasasaktan ito sa ginagawa ng kaibigan. Ang totoo nakakaramdam na ng galit sa dibdib si Jolas para sa kaibigan.

Lumipas ang mga araw ay hindi na nagpakita si Jonat kay Marian.

"Alam mo ba kung nasaan si Jonat?" seryosong tanong ni Marian kay Jolas.

"Ang totoo ‘di ko rin alam, kahit sa akin ay hindi nagpapakita." Malungkot na sabi ni Jolas.

Hinanap ni Jolas ang kaibigan. Sa bahay nina Jonat ay katulong na lang ang naiwan. Nasa mahabang bakasyon daw ang pamilya ni Jonat. Lihim na sumama ang loob ni Jolas dahil sa unang pagkakataon ay hindi nagpaalam sa kanya ang kaibigan kahit man lang sa text.

"Akala ko walang iwanan." Naibulong ni Jolas sa sarili.

Habang hindi nagpapakita si Jonat ay naging malapit sa bawat isa sina Jolas at Marian. Pinalasap ng binata ang kaligayahang hindi nalasap ng dalaga sa piling ni Jonat. Naramdaman ni Marian na unti-unting nahuhulog ang loob niya sa binata. Nawala sa isip niya si Jonat, ang lalaking minahal niya na bigla na lang naglaho.

"Mahal mo pa ba ang kaibigan ko?" seryosong sabi ni Jolas kay Marian habang namamasyal sila sa tabing ilog.

Napatingin si Marian kay Jolas.

"Noon pa man ay nahulog na loob ko sayo. Sa tuwing magkasama kami ni Jonat lagi ka naming napag-uusapan. Sinasabi niya kung gaano ka kabait, mabuting kaibigan at tapat magmahal." Huminga ng malalim ang dalaga saka nagpatuloy sa pagsasalita.

"Mahal ko siya, pero sa hindi ko maipaliwanag unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sayo."

Nagtama ang kanilang mga paningin at unti-unting naglapat ang kanilang mga labi. Pakiramdam ng bawat isa ay tumigil ang ikot ng mundo. Lingid sa kanilang kaalaman ay mula sa di-kalayuan ay may lihim na nagmamasid sa kanilang pagmamahalan.

Lumipas ang limang buwan ay hindi pa rin nagpapakita si Jonat. Nakakaramdam na ng pangamba si Jolas para sa kaibigan. Nalaman na kaya nito ang pag-iibigan nila ni Marian? Babalik pa kaya ito para ipagpatuloy ang naiwang kasintahan?

Masaya si Jolas habang naghahanda sa lakad nila ni Marian. Pupunta sila sa tabing ilog para doon kumain ng hapunan. Binitbit niya ang isang basket na puno ng pagkain,prutas at tinapay. Nagulat si Jolas nang biglang tumunog ang cellphone niya. Agad niya itong kinuha mula sa bulsa ng kanyang pantalon. Natigilan si Jolas nang makitang kay Jonat galing ang mensahe. Nakaramdam siya ng kaba sa dibdib. Dahan dahan niyang binasa ang mensahe.

"Pare, tgal nting d ngkita

cyensya ka na kc may

pnunthan kami nina mama

puntahan mo naman ako d2 sa

bahay nina tita

hintayin kita pare mayang gabi."

Hindi maipaliwanag ni Jolas kung ano ang nararamdaman. Hindi niya alam kung matutuwa siya sa pagbabalik ng kaibigan. Hindi niya alam kung kaya pa niyang humarap dito. Hindi niya alam kung kaya niyang magpaliwanag sa nagyari sa kanila ni Marian.

"Ikaw ang nang iwan Jonat." bulong ni Jolas sa sarili. Naiisip niya na maiintindihan ni Jonat ang nagyari sa kanila ni Marian. Ang kaibigan ang lumayo at sinaktan nito ang damdamin ng dalaga.

Muling tumunog ang cellphone ni Jolas at tulad nang inaasahan niya  mensahe mula sa kaibigan.

"Pare, pnta ka ha...."

Naisipan ni Jolas na puntahan ang kaibigan. Gusto niyang kumustahin ito at tanungin kung bakit bigla na lang itong ‘di nagparamdam.

Muling tumunog ang cellphone ni Jolas. Inaasahan niyang mensahe uli sa kaibigan ang natanggap pero nagkamali siya mensahe ni Marian ang dumating.

"C u on tbing-ilog

B der now"

Napangiti si Jolas sa mensahe ng katipan pero sa isang saglit naisip niya si Jonat. Sino ang pupuntahan niya? Ang kaibigang matagal na nawala at ngayon ay nakikipag kita sa kanya o ang katipan na naghihintay sa tabing ilog?

Napailing si Jolas sa naisip.

"Makikipagkita rin kaya si Jonat kay Marian?" naibulong nito sa sarili. Lumabas ng bahay si Jolas at bitbit niya ang basket na puno ng pagkain. Naisipan niyang si Marian ang puntahan.

"Nagbalik na si Jonat." Malungkot na sabi ni Jolas sa katipan. Natahimik si Marian sa narinig. Pakiramdam niya ay bumara ang lalamunan niya dahilan para hindi siya makapagsalita.

"Siguro kinalimutan na niya ako, puntahan mo siya Jolas. Puntahan mo ang kaibigan mo." Niyakap ni Marian si Jolas at sila ay umalis na sa Tabing-ilog. Apat na oras rin ang itinagal nila sa tabing-ilog. Masayang naghapunan at nagkwentuhan.

Alas-onse na ng gabi nang makauwi si Jolas. Naalala niya ang kaibigan. Naisipan niyang puntahan ito. Bumibilis ang mga hakbang niya habang patungo sa bahay ng tita ni Jonat. Nag text na siya sa kaibigan pero hindi pa ito sumasagot sa mensahe niya.

tok! tok! tok!

Nasa harapan na siya ng pintuan ng bahay ng tita ni Jonat. Nakarinig siya ng mga hakbang at naiisip niyang may bubukas na ng pintuang kanina pa niya kinakatok.

"Magandang gabi po! Nandiyan po ba si Jonat?" magalang na bati niya sa tita ni Jonat.

"Ikaw pala, sabi sa akin ni Jonat pumasok ka na lang daw sa kanyang kuwarto ‘pag dumating ka." Malungkot nitong sabi. Nagkaroon ng kaba sa dibdib ni Jolas.

Sa pagpasok ni Jolas sa kwarto ng kaibigan ay nabigla siya sa nasaksihan. Si Jonat ay nakahiga sa kama, payat at maraming pasa sa katawan.

"Pare, anong nang..nangyari sayo?" lumapit siya sa kaibigan at umupo sa tabi nito.

"Jonat, lumaban ka....." maiyak iyak na sabi nito sa kaibigan.

Lumapit ang Tita ni Jonat at hinawakan siya sa balikat.

"Kanina ka pa niya hinihintay, kanina ka pa niyang gustong makita, ako ang nag text sayo dahil wala na siyang lakas." Hindi mapigilan ng Tita ni Jonat ang mapaluya sa sinabi.

"Kanina nakakapagsalita pa siya, gusto ka niyang makausap sana kaso ‘di ka agad dumating, may kanser si Jonat  at hinihintay na lang niya ang tamang oras ng kanyang pagpanaw."

Nagulat si Jolas sa kanyang narinig at ayaw niya itong paniwalaan. Bakit nilihim ng kaibigan ang nangyari sa kanya?

"Pare, ‘di ba walang iwanan, patawarin mo ako nagkasala ako sayo." Hinawakan ni Jolas ang kanang kamay ng kaibigan.

"Pare, sana naririnig mo pa ako, kung alam ko lang kung ano ang nangyayari sayo pipigilan ko ang nararamdaman ko para kay.." napahinto siya sa sasabihin ng mapansin niyang tumulo ang luha ng kaibigan. Pinilit nitong ngumiti sa kanya at parang sinasabi na okay lang ang lahat.

Wala nang nagawa pa si Jolas naramdaman niyang unti-unting bumibitaw ang kamay ng kaibigan. Unti-unting pumipikit ang mga mata nito.

"Ahhhhhhhhhhhh!" daing ni Jolas ng maramdamang wala ng buhay ang kaibigan. Niyakap niya ang kaibigan nang mahigpit.

"Pare, patawarin mo sana ako. Mahal ko si Marian at mahal din kita bilang kaibigan ko." Malakas na sabi ni Jolas habang yakap-yakap ang kaibigan.

Naramdaman ni Jolas na may humawak sa kanyang balikat. Napalingon siya dito at nakita niya ang Ina ni Jonat. Isang kapirasong papel ang iniabot ng luhaang Ina ni Jonat.

"Sabi ng anak ko ibigay ko sayo ang sulat na ito sa oras na bawiin na siya ng ating panginoon." Maiyak-iyak na sabi nito sa kanya.

Dahan dahan niyang binuklat ang liham ni Jonat.

Pare,

Matagal ko nang alam na may pagtingin ka kay Marian. Alam kong ako ang gusto ni Marian. Alam kong madali niya akong mamahalin.

Naisip ko hindi ka agad mapapansin ni Marian kaya gumawa ako ng paraan para makilala niya ang ugali mo. Lagi kong sinasabi na mabait ka,okay kang kaibigan at higit sa lahat tapat ka kung magmahal.

Masaya ako nang makita kong gumaan ang loob sayo ni Marian. Masaya ako nang makitang masaya ka, Sa wakas napansin ka na rin niya.

Sinadya kong saktan ang damdamin ng babaeng nagpabago sa aking buhay. Sinadya kong bigyan siya ng dahilan para ako'y kalimutan. Alam ko naman na sa iyong kandungan babagsak ang pinakamamahal ko.

Masaya ako nang mabalitaan kong nahulog na ang loob niya sayo. Minahal ka niya at kinalimutan ang isang tulad ko.

Pinilit kong lumayo para maging okay ang relasyon ninyo. Nagtagumpay ako! Minahal ka niya at lalo mo siyang minahal.

Natatandaan mo pa ba noong nasa high school pa lamang tayo. Lagi kang nagpaparaya at kinalilimutan mo ang nararamdaman mo sa isang babae basta lumigaya lang ako.

Ngayon, ako naman ang magpaparaya. Mahalin mo si Marian tulad ng pagmamahal ko sa kanya.

Marahil kapag binasa mo na ang sulat kong ito ay wala na ako. Paalam pare, patawarin mo ako kung hindi ako tumupad sa usapan natin. "Walang Iwanan".

Pare, kailanman ay hindi ko kinalimutan ang pagkakaibigan natin. Naisip ko kung ako'y mabubuhay pa ay marami pa akong babaeng makikilala pero ikaw ay nagiisa lang at mahirap makahanap ng isang kaibigan na tulad mo."

Nagmamahal ang iyong Pare,

Jonat

Hindi mapigilan ni Jolas ang tuluyang mapaiyak. Sana kung napaaga siya ng dating ay nakausap pa niya ang kaibigan.

"Pare, sabi mo walang iwanan," tanging nasambit ni Jolas sa sarili.

Last Updated on Monday, 16 November 2009 14:38  

Comments  

 
0 #1 Calvin 2009-11-17 22:04
maganda ang istorya mo. naipakita dito ang tunay na pagkakaibigan.. na walang iwanan!!he will sacrifice all for his friend..until last breath,everythi ng had a reason why will it happened..sad letter story!
Quote
 

Add comment


Security code
Refresh

Smart Bookmarker